Narito po ang pahayag ni Governor Gerardo Noveras kaugnay sa General Community Quarantine (GCQ):

https://www.facebook.com/ProvincialGovernmentAuroraProvince/videos/2831188336930541/

MGA MINAMAHAL KONG KALALAWIGAN,

Ipagpasalamat natin na sa pangangalaga at gabay ng Dakilang Lumikha at sama-sama nating pagkilos ang Aurora ay nananatiling ligtas o walang kumpirmadong kaso ng Covid-19. At dahil sa disiplina at pagtalima ng higit na nakararami, tayo ay napabilang sa mga lalawigan na masasailalim sa “General Community Quarantine” mula Mayo 1 hanggang Mayo 15, 2020.

Ngunit napabilang man tayo sa panibago at bahagyang mas maluwag na sistema ng quarantine, hindi ito nangangahulugan na makakabalik na tayo sa dating normal na buhay o puwede na tayong magkampante. Mas kailangan nga natin ng ibayong pag-iingat ngayon upang hindi mapunta sa wala ang pagtitiis at sakripisyo ng ating mga kalalawigan lalo na iyong mga higit na apektadong maralita at kapus-palad.

Kapag nailabas na ang opisyal na panuntunan para sa pagpapatupad ng General Community Quarantine, ako ay maglalabas na rin ng kaukulang Executive Order na siya nating ipatutupad sa buong lalawigan.

Ngayon pa lamang ay akin ng hinihingi ang inyong lubos na pakikiisa at pagtalima sa ilalabas na mga bagong polisiya sapagkat dito nakasalalay ang patuloy na tagumpay ng ating paglaban sa krisis na dala ng Covid-19.

Maraming salamat po!

___________________ooooOOOoooo___________________