Tumanggap ang may dalawang daan at walumpu’t pitong (287) Casual Employees ng handog na ayuda ng Aurora Provincial Government Employees Association (APGEA). Ayon kay APGEA President Katherine E. Garcia, sa pinagtibay na APGEA Resolution No. 4 nakasaad ang pagbibigay ng health emergency assistance na nagkakahalaga ng isang libong piso (Php 1,000.00) sa bawat Casual Employees na may rate na Salary Grade 15 pababa na nasa serbisyo mula Enero hanggang Marso 2020. Ang halagang ipinapamahagi ay nagmula sa pondo ng Office of the Governor – AID TO APGEA.

Nagbigay-daan naman upang makatanggap ng isang libong piso (Php 1,000.00) ang bawat empleyado na may Job Order status sa Provincial Government of Aurora (PGA) ang isang liham kahilingan mula kay Acting Governor Christian Manuson Noveras noong ika-25 ng Marso 2020 na ipinaabot kay Acting Vice Governor Mariano C. Tangson at sa mga Kagalanggalang na Miyembro ng Sangguniang Panlalawigan (SP) para sa pagpasa ng Ordinansa hinggil dito.

Kamakailan ay pinagtibay ang Provincial Ordinance No.317 at 318. Ayon sa ordinansa, makakatanggap ang isang libo at siyamnapu’t anim (1,096) empleyado na may Job Order status sa PGA na nasa serbisyo mula ika-16 ng Marso 2020 hanggang sa kasalukuyan. Ang ipamimigay na halaga ay magmumula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng PGA.

Inaasahang makakatulong ang nabanggit na ayuda para sa mga Casual Employees at mga empleyadong may Job Order status na umaasa lamang sa arawang sahod mula sa PGA habang nasa ilalim ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine ang lalawigan. Layunin nito na makatulong na mabawasan ang kanilang kinakaharap na problema at sitwasyon na epekto ng COVID-19 pandemic. (PAIADPGO/sbhn)

Source: APGEA/Ms. Katherine Espana