Minamahal na mga Kalalawigan,

Bagama’t marami sa atin ang hindi lubos na nakikiisa at tumatalima sa mga polisiya o alituntuning pinaiiral sa ilalim ng Community Quarantine, mapalad tayo na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring kumpirmadong kaso ng #Covid19 sa ating lalawigan.

Ang anumang maituturing na tagumpay sa ating pagharap sa kasalukuyang pandaigdigang krisis na ito ay higit kong ipinagpapasalamat sa mga doctor, nurse at iba pang mga health worker; mga pulis, sundalo at bumbero; at mga LGU, barangay functionary at mga boluntaryong nag-aalay ng panahon at nagsasakripisyo para sa kapuwa – taus-pusong pagpupugay para sa kanilang lahat.

Sa puntong nananatiling zero confirmed case ang Aurora sa Covid-19, hindi tayo dapat magkapante. Magising dapat ang lahat sa katotohanan na nasa paligid pa rin ang banta at panganib at kailangang pag-ibayuhin pa natin ang pagsunod sa pinaiiral na “home quarantine” at “social o physical distancing” lalo pa’t sa ngayon na wala pang natutuklasang bakuna o gamot, ang mga ito lamang ang nakikitang paraan para malabanan ang nakamamatay na sakit.

Sa kasalukuyan, maituturing na banta sa kaligtasan ng lalawigan kung nagagawang makalabas at makabalik ng mga driver, kawani ng pamahalaan at mga kagawad ng pulisya at sandatahang-lakas kahit pa ito’y may batayang polisiya. Kaya kaugnay nito, nananawagan ako sa mga kinauukulan na maging responsable at kung hindi emergency o kinakailangan ay huwag na munang lumabas ng lalawigan.

Lalo at higit ang aking panawagan para sa totohanang disiplina at pagsunod ng bawat isang mamamayan ng 8 bayan ng lalawigan. Huwag nating ipagwalang-bahala ang banta sa ating kaligtasan na libo-libong buhay na ang kinitil sa buong mundo. Lahat ay apektado ng krisis na ito. Ang bawat isa ay dapat kumilos at makibahagi sa laban. Hindi tamang ipaubaya ang lahat sa tinatawag nating frontliners.

Napakadaling unawain na hindi dapat lumabas ng bahay kung hindi kinakailangan at kung wala namang susing gampanin sa labas ng tahanan. Makiisa tayo sa otoridad at huwag na nating hintayin pang may mag-positibo sa Aurora bago tayo matauhan. Maging mapanagutan tayo hindi lamang para sa ating sarili kundi maging para sa kapwa.

Patuloy ang pagkilos ng Pamahalaang Panlalawigan para sa pagbibigay ng mga ayuda sa mamamayan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office. Sa pamamahagi naman ay laging katuwang natin ang mga munisipyo at barangay.

Sa inyong panig bilang mamamayan, isang mahalagang gampanin ang dapat ninyong seryosohin: MANATILI PO SA LOOB NG BAHAY!

Makiisa at magmalasakit! Hindi tayo pababayaan ng Diyos!

Isang paalala mula kay Governor Gerardo Noveras