MGA MINAMAHAL KONG KALALAWIGAN,

Katulad ng nalalaman ninyong lahat, ang Aurora ay nasa ilalim na ng General Community Quarantine. Nagkaroon man ng bahagyang mga pagbabago sa mga patakaran, laging nating tandaan na kailangan pa rin nating manatiling buo at sama-sama sa pagkilos at pagbabantay. Kaya naman patuloy akong nananawagan para sa pakikiisa ng lahat at totohanang disiplina. At nais kong bigyan ng diin ang mga sumusunod:

1. Huwag samantalahin ang mga ipinagpapalagay na kaluwagan sa ilalim ng GCQ. Tulad ng dati, dapat seryosohin pa rin ang physical/social distancing; pagsusuot ng facemask; paghuhugas ng kamay; at pananatili sa loob ng bahay kung hindi awtorisado o kinakailangang lumabas.

2. Huwag balewalain ang pagpapakahirap at sakripisyo ng ating mga dakilang frontliners. Habang tayo ay inaasahang manatili sa loob ng ating mga tahanan, sila ay patuloy na sinusuong ang panganib sa pagamutan, quarantine facilities, checkpoints at lansangan para tayo ay proteksiyunan.

3. Higit sa lahat, huwag tayong magkampante. Hindi pa tapos ang ating laban sa sakit na patuloy na kumikitil ng maraming buhay hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa buong daigdig. Hindi natin alam kung kailan matatapos ang krisis na ito. Huwag sanang mangyari na dahil sa mga pagsuway sa mga patakaran ng GCQ ay magkaroon na ng una o maraming kaso ng Covid-19 sa ating lalawigan.

Kung dahil sa kawalan ng disiplina o hindi pagseryoso sa GCQ ay tuluyang magkakaroon ng positibong kaso ng Covid19 sa Aurora, lahat ay maaapektuhan…lahat ay maliligalig. At ang buhay nating mga taga-Aurora ay higit na magiging mahirap at lubos na mahigpit.

Kaya inuulit ko, huwag magkampante. Sa ilalim ng General Community Quarantine, nananatili ang pananagutan natin sa kapuwa, lalo at higit sa kaligtasan ng lalawigan, bansa at daigdig.

GERARDO A. NOVERAS
Punong Lalawigan

05 May 2020