Lubos kong ikinalulungkot ang engkuwentrong nangyari kahapon, Abril 21, 2020 sa Barangay Diaat, Maria Aurora, Aurora sa pagitan ng ating kasundaluhan at New People’s Army na ikinasawi nina PFC Ken Lester I Sasapan (Inf) PA and PFC Jackson M Mallari (Inf) PA at ikinasugat ng tatlo (3) sa kanilang mga kasamahan sa 91st Infantry Battalion.

Lalo na sa panahong ito na nakatuon ang lahat sa pagharap sa krisis na dala ng salot na pandaigdigang sakit, hindi katanggap-tanggap ang ganitong uri ng karahasan na buhay pa ng mga taong nagsasakripisyong magbantay sa kaligtasan ng kapuwa ang nabuwis.

Sa aking kapasidad bilang Punong Lalawigan ng Aurora, nananawagan ako sa lahat na isantabi o itigil ang mga kaisipan, pananaw o hakbang na nagbubunsod ng panganib at kaguluhan sa buhay ng mamamayan na sa kasalukuyan ay apektado ng malawakang krisis.

Nahihirapan ang mga tao ngayon dahil sa implikasyon ng binabantayang sakit sa ating ekonomiya, transportasyon, pagkain at iba pang aspeto ng pamumuhay. Huwag na natin itong dagdagan pa ng mga hindi makatarungang gawain na sa tao rin nagmumula.

Minsan pa, ikintal nating lahat sa ating mga isipan na ang kalaban natin…ang kalaban ng ating lalawigan, bansa at buong daigdig ay ang #Covid19 at hindi ang isa’t-isa.

Sa mga kaanak at kaibigan ng nasawing mga bayani, isang taus-pusong pakikiramay. Pagpupugay sa kasundaluhan ng bansa! – Gov. Gerardo A. Noveras

Ctto photos/images: 7th Infantry Kaugnay Division, PA