Nakatakdang ipamahagi anumang araw ngayong linggo ang mga buto at punla na gulay ng Office of the Provincial Agriculturist o OPAg sa walong bayan ng lalawigan ng Aurora. Ang programa ay mula sa Plant Plant Plant ng Department of Agriculture Region III. Layon ng programa na mabigyan ng ayuda sa pamamagitan ng pagtatanim ng gulay ang mga apektado ng Enhanced Community Quarantine o ECQ na ipinapatupad sa Central Luzon, dahil sa lumalaganap na Covid -19.

Ang mga buto at punla ng gulay ay ang mga sumusunod: Pechay, Okra, Eggplant, Tomato, Squash, Hot pepper (Clindy Gang), Pole Sitao, Mustard, Tomato, Ampalaya, Sili Panigang at Upo.

Sa panayam kay Provincial Agriculturist Arnold Novicio, ipagkakatiwala ang mga buto at punlang gulay sa mga Municipal Agriculture Office (MAO) ng bawat bayan at sila na mismo ang magpapamahagi nito sa kanilang nasasakupan, ang mahalaga umano ay interesado ang tatanggap na apektado ng ECQ.

Samantala, una ng nagpamahagi ang OPAg ng mga buto ng gulay sa mga apektado ng ECQ sa lalawigan na ngayon ay pinakikinabangan na ng mga ito. (PAIADPGO/njat)

Source: OPAg

13 April 2020