Bilang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga kababayan sa Lalawigan ng Aurora, namahagi ang Pamahalaang Panlalawigan ng Aurora sa pamamahala ni Acting Governor Christian M. Noveras sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office sa pamamatnubay ni Provincial Social Welfare and Development Officer Aida H. Rotaquio ng pitong libong food packs (7,000) para sa mga naapektohan ng paglaganap ng Coronavirus Disease (COVID-19). Ipinamahagi ang mga food packs mula sa lalawigan matapos ang isinagawang pag-pupulong ni Acting Governor Noveras kasama ang mga Punong Bayan at Inter-Agency Task Force noong ika-25 ng Marso.

Sa kasalukuyan, may kabuuang limang libong (5,000) food packs ang paunang ayudang naipamahagi sa mga Bayan ng Dinalungan (700); Dilasag (700); Casiguran (1000); Dipaculao (1000); San Luis (900); at Dingalan (700). Ang matitirang foodpacks (2,000 food packs) ay para sa mga bayan ng Maria Aurora (1,050) at Bayan ng Baler (950) ay nakatakda nilang kunin sa Lunes, ika-30 ng Marso. May karagdagang walong libo at pitong daang (8,700) food packs ang kasalukuyang hinihintay ng lalawigan mula sa supplier.

Dagdag naman sa pamamahagi ng mga food packs sa bawat bayan, patuloy na binibigyang ayuda ang mga kababayang stranded sa Canili Checkpoint. Ilan sa mga ayudang nabigay ng pamahalaang panlalawigan ay pagkain, sleeping kits, at hygiene kits. May kabuuang bilang na isang daan at labing pitong (117) katao (as of March 29, 2020) ang kasalukuyang nasa checkpoint sa Sitio Canili. Ang Canili National High School na matatagpuan malapit sa monitoring station sa Sitio Canili, Brgy. San Juan, Maria Aurora, Aurora ang nagsisilbing temporary quarantine area o pansamantalang tuluyan ng mga naabutang kababayan sa pagpapatupad ng total lockdown sa lalawigan.

Maliban sa ating mga kababayan sa checkpoint, may kabuuang dalawampu’t isang (21) katao ang binigyan ng tulong ng lalawigan sa pamamagitan ng pagbibigay ng food/financial assistance at pansamantalang tuluyan sa Provincial Staff house sa Cabanatuan City.
Ang mga nabanggit na kababayan ay hindi na pinayagan pang makapasok sa lalawigan at makauwi sa kanilang mga tahanan dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng complete travel ban sa bisa ng Executive Order No. 2020-0016 at Executive Order No. 2020-0018 ng Acting Governor Noveras.
Base sa huling tala ng Emergency Operation Center (EOC) mula sa Department of Health-Aurora (DOH-Aurora) as of March 29, 2020, nananatiling Zero o wala pa ring kaso ng COVID-19 sa Lalawigan ng Aurora. May kabuuang 5,417 naman ang kasalukuyang Person Under Monitoring (Current PUM’s) habang ang kasalukuyang Person Under Investigation (Current PUI’s) naman ay may bilang na 168. Sa kabuuang bilang ng PUI’s, may anim na tested at lahat ay Negative ang Result. (PAIADPGO/sbhn)
