Nakapagpamahagi ng Social Pension (SocPen) ang Provincial Government of Aurora (PGA) sa may tatlong libo tatlong daan at tatlumpu’t dalawang (3,332) Indigent Senior Citizens mula noong ika-16 ng Abril hanggang ika-21 ng Abril sa buong lalawigan sa pamamagitan ng Provincial Governor’s Office (PGO), Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Provincial Treasury Office.

Ang kabuuang bilang ng tumanggap sa kasalukuyan ay mas mataas ng limampung porsyento (50%) sa bilang ng dating tumatanggap nito sa bawat barangay. May kabuuang apat na milyon siyam na raan at siyamnapu’t walong piso (Php 4,998,000.00) ang naipamahagi sa walong bayan ng lalawigan.

Ang pamimigay ng SocPen mula sa PGA ay nakabase sa listahan na ibinigay ng bawat bayan mula sa rekomendasyon ng Pangulo ng Senior Citizens Association ng bawat bayan sa kanilang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO). Hindi na kabilang dito ang mga tumatanggap ng SocPen mula sa National o Municipal Government.

Ang pamimigay ng Social Pension (SocPen) para sa mga indigent Senior Citizen ay ilan lamang sa regular na programa ni Governor Gerardo A. Noveras na naglalayong magbigay ayuda sa mga kalalawigan sa pagbili ng kanilang gamot at iba pang medikal na pangangailangan. Regular na ibinibigay ang SocPen tuwing buwan ng Mayo at Nobyembre ng bawat taon. Noong ipinagdiwang ang Elderly Week taong 2019, matatandaang tiniyak ni Governor Noveras ang pagpapalawig ng Provincial Social Pension para sa mga Senior Citizen, mula sa 5M pondi ito’y ginawang 10M para ngayong taon upang mapalaki ang bilang ng mga benepisyaryo nito sa lalawigan.

Ipinag-utos ni Governor Noveras na gawing mas maaga ang pagbibigay nito ngayong nasa ilalim ng implementasyon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang buong lalawigan upang maibsan ang problemang kinakaharap nila dahil sa paglaganap ng COVID-19. Sa halip na Mayo ang pagtanggap ay ipinamahagi ito nayong buwan ng Abril. (paiadpgo/sbhn)

Source: PGO and PSWDO Aurora